ANG BUHAY AT PANITIKAN NG MGA ILOKANO
Kilala ang mga Ilokano sa kanilang pagiging marunong at praktikal sa buhay. Litaw na litaw ang pag-uugaling ito sa mga tanyag na personalidad na nagmula sa lalawigang ito tulad ng dating Pangulong Ferdinand Marcos na sa kabila ng kahirapan sa buhay ay kinilala at hinangaan.
Noon pa man, hindi na naging madali ang buhay para sa mga Ilokano. Ang lupang kanilang tinitirhan ay kadalasang tigang at hindi magandang pagtamnan. Dahil sa sitwasyong ito, maraming Ilokano ang nangibang-bayan sa mga kalapit-probinsya, sa pagnanasang umunlad kahit papaano ang buhay.
Marami pa rin namang nanatili at nagkasya lamang sa kung anong mayroon sila. Unti-unti, nagawa nilang pagyamanin ang minsang tigang na lupa. Dahil sa pagsisikap, unti-unting kinilala ang bayan. Sa kasalukuyan, ang Ilocos ang isa sa mga pangunahing lalawigan na pinagkukunan ng iba’t ibang produktong agraryo tulad ng sibuyas, bigas at tabako.
Saksi ang mga Ilokano sa makulay na kasaysayan ng kanilang lugar. Isa ang lalawigang ito sa mga lugar na sinakop ng mga Español nang sila’y pumarito sa Pilipinas. Sa pananatili ng mga dayuhang manlulupig sa kanilang lupain, at sa pagnanais na manatili ang kanilang kapangyarihan sa lugar, hinati nila ang mga Ilokano sa dalawang uri – ang babaknang, o ang mga mayayaman, at ang gagangay, o ang mga pangkaraniwang mamamayan. Naging mahirap ang buhay ng mas nakararaming bilang ng mga Ilokano dahil sa pagkahating ito.
Bahagi ng kulturang Ilokano ang kahirapan. Ang mga pagsubok na ito ang nagbibigay-hugis at patuloy na humuhubog sa matibay at praktikal na pag-uugali ng mga Ilokano.
ANG BUHAY AT PANITIKAN NG PANGASINAN
Sa Hilagang Kanlurang bahagi ng Luzon makikita ang Pangasinan, ang “lugar kung saan ginagawa ang asin.” Sa baybay ng Bolinao at Dasol matatagpuan ang pinakamataas na uri ng asin. Kilala rin ang Pangasinan sa bagoong nito na asin din ang pangunahing sangkap. Bagoong din ang karaniwang sawsawan para sa inihaw na bangus Bonuan na matatagpuan din sa Pangasinan.
Bago dumating ang mga Kastila, ang mga bayan lamang na malapit sa baybayin ang tinatawag na Pangasinan. Caboloan naman ang tawag sa loobang bahagi. Hango ito sa bolo, isang uri ng kawayang sagana doon. Mula sa kawayang bolo, ginagawa ang mga bilao.
Sikat din ang Pangasinan tuwing tag-init dahil sa maganda nitong mga beach. Dinadayo rin ang Hundred Islands, isang grupo ng maliliit na isla.
Makasaysayan din ang Pangasinan. Mula kay Prinsesa Urduja hanggang kina Andres Malong at Juan dela Cruz Palaris. Ang lahat ng ito ay mga kwento ng pagiging malay ng mga Pangasinense sa mga usaping may kinalaman sa kanilang kapakanan.
Matatagpuan din ang pagmamalasakit ng mga Pangasinense sa kanilang kapakanan sa mga nailathala sa Silew (Ilaw) mula 1934-1943. Naglalaman ang Silew ng mga sumusunod na akda sa wikang Pangasinan: tongtong (kwento), anlong (tula), pabitla/bonikew (bugtong), diparan (salawikain), panayam pampamayanan, liham sa patnugot, opinyong medikal, nobelang de-serye, at mga dula. Marami sa mga akda sa Silew ay ukol sa epekto ng kulturang Amerikano sa gawi at pag-uugali ng tradisyonal at konserbatibong lipunan. Matatagpuan din dito ang isyu ng aborsyon, eleksyon,at iba pang pagbabago ng pananaw ng mga kababaihang tila nakawala sa tanikala ng makalumang tradisyon.
Dalawa sa mga tanyag na pangalan sa Panitikang Pangasinan sina Carlos Bulosan at Francisco Sionil Jose. Sa kanilang mga nobela, inilarawan nila ang mga suliraning piyudal at mahirap na buhay ng mga tagabaryo. Dahil sa paggamit nila ng Ingles sa kanilang panulat, higit nilang naabot ang mas maraming mambabasa.
Sa Pangasinan, tila nagsasanib ang mga pahayag na ito na hango sa Ebanghelyo ni San Mateo: “Kayo ang asin ng lupa at ilaw ng sanlibutan.”
ANG BUHAY AT PANITIKAN NG PAMPANGA
“Pampanga’s best.” Unang banggit pa lamang ng salitang Pampanga ay ito na marahil ang mga salitang unang papasok sa isipan ng bawat Pilipino. Marahil, kakambal na ng lalawigan ng Pampanga ang mga produktong tulad ng tocino at longganisa. Isa ito sa mga patunay kung gaano kahilig – at kasarap – magluto ang mga Kapampangan. Ngunit, hindi lamang ito ang mga produktong ipinagmamalaki ng lalawigang ito.
Kabaligtaran ng Ilocos, ang lalawigan ng Pampanga ay biniyayaan ng Diyos ng mayamang lupa na napaliligiran ng iba’t ibang yamang tubig tulad ng batis at ilog. Dahil sa yamang ito ng lupa at tubig, naging madali ang pamumuhay ng mga Kapampangan. Hindi na nila kailangan pang mangibang-bayan upang kumita ng pera sapagkat sa kanilang sariling bakuran lamang ay maaari na silang makapagtanim o makapangisda. Sa katunayan, ang palay at asukal ay ilan lamang sa mga produktong ipinagmamalaki ng lalawigang ito.
Ito marahil ang dahilan kung bakit kilala ang mga Kapampangan sa kanilang pagiging marangya at galante. Marami silang biyayang natanggap mula sa Diyos kaya naging maluwag rin para sa kanila ang makapagbigay sa kapwa – lalong-lalo na sa mga Ita, ang mga sinaunang tao sa lalawigang iyon. Ayon sa kasaysayan ng lalawigan, napilitang mamundok ang mga Ita ng sakupin at manirahan ang mga Malay sa gilid ng mga batis. Napasok ng mga dayuhang ito ang Pampanga sa pamamagitan ng pamamangka sa mga batis at ilog na nakapaligid sa lalawigan.
Ayon pa rin sa mga unang tala tungkol sa lalawigan ng Pampanga, ang sinaunang panitikan ng mga Kapampangan ay binubuo ng mga bugtong, kasabihan, awiting pambayan at pambata, alamat, tula, at maikling kwento na nagpapakita ng pasasalamat ng mga Kapampangan sa taglay na likas na yaman ng lugar.
Tulad ng ibang lugar sa Pilipinas, dumaan din ang lalawigan ng Pampanga sa panahon ng pananakop ng mga Kastila, Amerikano, at Hapon. Sa mga panahong ito lalo pang lumakas ang panitikan ng lalawigan, partikular na ang mga tula na siyang sumasalamin sa pagkatao ng Kapampangan. Ang talento na mga Kapampangan, noon pa man, ay kasinlalim ng mga poso at balon na nagkalat sa kanilang lugar.
Mula pa sa panahon ng pananakop hanggang sa kasalukuyang panahon, nanatiling masayahin, mapagbigay, at mapagmahal ang mga Kapampangan. Kitang-kita ito sa uri ng panitikang mayroon sila.
ANG BUHAY AT PANITIKAN NG BICOLANO
Kilala mo ba ang batikang manunulat ng pelikulang Pilipino na si Ricardo Lee? O kaya naman ang walang kakupas-kupas at nag-iisang super star ng bansa, si Nora Aunor? Dahil Pilipino ka, marahil kilala mo sila. Pero alam mo bang ang dalawang tanyag na personalidad na ito ay kapwa nanggaling sa rehiyon ng Bicol?
Tanyag din ang Bicol sa dalawa pang bagay: una, ang tanyag na minatamis na pili ng mga Bicolano; at pangalawa, ang kanilang hilig sa mga maaanghang na pagkain na kadalasan ay niluto sa gata tulad ng laing at Bicol Express. Bukod sa mga pagkaing ito, marami na ring naiambag sa kultura at sining ng ating bansa. Isa sa mga kontribosyon ng mga Bicolano ang kanilang panitikan.
Noon pa man, mayaman na ang mga Bicolano sa mga kasabihan, bugtong, kanta, at iba’t ibang uri ng tula. Ang mga nabanggit ay kalimitang pagpupugay sa angking kagandahan ng lugar. Maraming beses nang naging inspirasyon ng mga manunulat ang bulkang Mayon, ang tanyag na bulkan na matatagpuan sa lalawigan ng Albay, dahil sa taglay nitong ganda at kakaibang epektong dala-dala nito sa sinumang makakikita sa kanya.
Ngunit may isang problema ang panitikan ng mga Bicolano, at ito ang hindi pagtangkilik ng mga mamamayan sa kanilang sariling wika. Sa paglipas ng panahon, paunti nang paunti ang bilang ng mga manunulat na nagsusulat gamit ang wikang Bicolano. Upang maiwasan ang tuluyang pagkamatay ng panitikang Bicolano, ipinatupad ang pagtuturo ng mga kurso tungkol sa kultura ng Bicol sa iba’t ibang paaralan at unibersidad sa rehiyon. Ginawa ito upang muling ibalik ang interes ng mga Bicolano sa kanilang sariling panitikan, partikular na sa mga akdang nasusulat gamit ang kanilang sariling wika.
Nagbunga ang hakbang na ito at hindi nagtagal ay isinilang ang bagong henerasyon ng mga manunulat ng panitikang Bicolano sa katauhan nina Merlinda C. Bobis, Jazmin B. Llana, at Francisco Peña. Muling sumigla ang minsan nang naghihingalong panitikan ng rehiyon.
Tulad ng hilig ng mga Bicolano sa maanghang na pagkain, na nanatiling ‘maanghang’ ang pagmamahal ng mga Bicolano sa kanilang panitikan. Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay nanatiling buhay, at patuloy pang lumalakas, ang kanilang sariling panitikan.
ANG BUHAY AT PANITIKAN NG HILIGAYNON
Isang dahilan kung bakit mahirap intindihin at unawain ang panitikan ng iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas ay dahil limitado lamang ang kaalaman natin tungkol sa mga rehiyong tinatalakay. Tulad marahil ng Panitikang Hiligaynon. Kaya, bago tayo magbasa ng halimbawa ng panitikang Hiligaynon, mahalagang alamin muna natin ang mga sumusunod:
Hiligaynon ang tawag sa pangkat-etniko na matatagpuan sa probinsya ng Iloilo, Capiz, Guimaras, at Negros Occidental. Bago pa man tawaging Ilonggo ang diyalektong ginagamit sa bahaging ito ng Pilipinas ay mas kilala na ito bilang Hiligaynon. Ginagamit din kasi ang salitang ito upang ilarawan ang wika at kultura ng mga Ilonggo.
Kakaunti lamang ang kaalaman ng mga pangkaraniwang Pilipino tungkol sa mga lalawigang ito sa Visayas. Maliban sa Batchoy ng Iloilo, matatamis na mangga ng Guimaras, asukal ng Negros Occidental at mga kinatatakutang ‘aswang’ ng Capiz, wala nang masasabi pa ang mga tagalabas tungkol sa rehiyong ito.
Ayon sa tala at ulat tungkol sa Hiligaynon, may dalawang wikang ginagamit ang mga Panayano bago pa man dumating ang mga Kastilang mananakop: ang Bisaya at ang Haraya. Saksi ang mga wikang ito sa makulay na kasaysayan ng lalawigang ito.
Hindi rin pahuhuli ang mga Hiligaynon sa larangan ng sining at panitikan. Noon pa man, mayroon nang tinatawag na binalaybay at sugilanon ang mga Hiligaynon. Ang binalaybay ang tawag sa mga tula ng mga Panayano samantalang ang sugilanon naman ay ang tawag sa kanilang maikling kuwento na kalimitang kinabibilangan ng mitolohiya, alamat, parabula, at kwentong bayan. Dito rin umusbong ang sanaysay na kinahihiligan pa ring isulat ng mga Hiligaynon sa kasalukuyan.
Sinasabing mas kilala ang Hiligaynon at kanilang sugilanon o maikling kwento. Sa ganitong uri kasi lumalabas ang talento at pagkamapamahiin ng mga Hiligaynon.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang pagyabong ng panitikang Hiligaynon. Hanggang hindi nauubusan ng talento ang mga tao sa bahaging ito ng Pilipinas, at habang patuloy silang nagsusulat, asahan nating libu-libo pang binalaybay at sugilanon ang ating mababasa at patuloy na mamamayagpag ang panitikang Hiligaynon sa Pilipinas.
ANG BUHAY AT PANITIKAN NG CEBUANO
Hindi lamang kilala ang Cebu sa kanilang otap, dried mango, daing na dainggit at dekaledad na gitara. Kilala rin ang lugar na ito sa kanilang makulay na kasaysayan at maging sa kanilang mayamang panitikan.
Ang Cebu ang isa sa pinakamatandang lungsod sa Pilipinas. Sa Cebu unang umusbong ang relihiyong Kristiyanismo. Itinatag ito ng kilalang manlalakbay na si Miguel Lopez de Legazpi. Ayon sa mga alamat at kuwento tungkol sa kasaysayan ng Cebu, nagsimula ang binyagan para maging Kristiyano ilang araw matapos matuklasan ni Ferdinand Magellan, isa pang tanyag na Kastilang mananakop, ang lalawigan. Si Rajah Humabon, pinuno ng Cebu noong mga panahong iyon, kasama ang kanyang asawa at ilan pang mga kalugar, ay ilan lamang sa mga kauna-unahang Pilipino na buong-pusong yumakap sa sa relihiyong Kristiyanismo. Dahil dito, tinagurian ang bayang ito sa Visayas bilang ‘Lungsod ng Kabanal-banalang Pangalan ni Hesus’ at nagsilbing kabisera ng kolonya ng mga Kastila sa loob ng anim na taon, bago pa man itanghal ang Maynila na kabisera noong 1571.
Sa kasalukuyan, ang Cebu ay tinaguriang “Queen City of the South” dahil ito ang sentro ng kalakalan, edukasyon at kultura ng rehiyon ng Visayas at Mindanao. Tanyag din ang Cebu sa larangan ng turismo dahil sa taglay nitong natural na ganda.
Kung gaano kayaman ang kanilang kasaysayan at lugar ay ganoon din ang kanilang panitikan. Dahil sa makulay nitong nakaraan, mayaman ang Cebu sa iba’t ibang uri ng panitikan na nasusulat sa dalawang uri ng wika na kanilang ginagamit: ang kanilang lokal na diyalekto na Cebuano at ang banyagang wikang Ingles.
Noon pa man, mahilig na ang mga Cebuano sa pagsulat ng balak, ang tawag nila sa tulang galing sa kanilang lugar. Ang mga tulang ito ay mas nakilala at mas naging tanyag dahil sa Ang Suga, ang kauna-unang peryodikal na nasusulat sa wikang Cebuano. Naging daan din ang peryodikong ito upang umusbong ang isa pang uri ng panitikan na sadyang kinagigiliwan ng mga Cebuano, ang sugilanon o maikling kuwento.
Patuloy ang pag-usbong ng panitikang Cebuano. Ang kanilang pagkamalikhain ay hindi matatawaran at hanggang ngayon mababakas pa rin sa kanilang panitikan ang impluwensiya ng Kristiyanismo at ang kanilang pagiging relihiyoso.
ANG BUHAY AT PANITIKAN NG MGA MARANAO SA MINDANAO
Hindi ganap na mulat ang mata ng mga Pilipino sa taglay na ganda ng Mindanao. Kalimitan, pawang hindi magagandang bagay ang nasusulat tungkol sa lugar na ito sa katimugang bahagi ng Pilipinas. Kaguluhan, pandurukot, at patayan – ito ay ilan lamang sa mga bagay na halos naging kakambal na ng lugar na ito sa paglipas ng panahon.
Nakalulungkot isipin na humantong sa ganito ang pananaw ng mas nakararaming bilang ng mga Pilipino tungkol sa isla ng Mindanao at sa mga taong naninirahan dito. Kung sabagay, hindi naman ito dapat ipagtaka sapagkat noon pa man, itinuturing na ang Mindanao na isa sa mga hindi gaanong napahahalagahang lugar sa Pilipinas.
Sayang. Marami pa namang bagay tungkol sa Mindanao ang maaari nating maipagmalaki. Isa na rito ang panitikan ng lugar, partikular na ang sa mga Maranao.
Maranao ang tawag sa pangkat-etniko na matatagpuan sa paligid ng lawa ng Lanao at kapatagan ng Bukidnon at Lanao. Isa lamang ito sa higit sa dalawampung pangkat-etniko na naninirahan sa isla ng Mindanao.
Tulad ng lugar na kanilang tinitirhan at ng kanilang relihiyon na Islam, hindi rin gaanong mulat ang mga Pilipino sa panitikan ng mga Maranao. Paano magkakaroon ng isang matibay na panitikan ang isang lugar na hanggang ngayon ay patuloy na niyayanig ng giyera at banta ng hindi pagkakaunawaan?
Ngunit lingid sa kaalaman ng karamihan sa atin, ang panitikan ng mga Maranao ay laganap na sa kanilang lugar noon pa man. Patuloy ang pagyabong ng kanilang panitikan sa paglipas ng panahon, tulad ng kanilang mga epiko, maikling kuwento, tula, dula at kanta na kalimitan ay tungkol sa kanilang lugar at relihiyon.
Kung bibigyan lamang natin ng pagkakataon ang ating mga sarili na kilalanin at unawain ang mga kapatid natin sa Mindanao ay hindi malayong mabago ang mga negatibo nating pananaw tungkol sa kanila at sa lugar ng kanilang tinitirhan. Iba man sa paniniwala, dapat nating isaisip na sila ay tulad din natin – Pilipino.
Kapag naganap ito ay saka pa lamang natin matutuklasan at maipagmamalaki ang mga nakatagong yaman sa Mindanao tulad ng mga Maranao at ang kanilang panitikan.
ANG PANITIKAN NG TSINA
Hindi lamang sa laki ng bansa at bilang ng populasyon nangunguna ang Tsina. Hindi rin sila pahuhuli sa larangan ng panitikan.
Isa ang Tsina sa mga bansa sa Asia na may pinakamayamang panitikan. Sinasabi nga sa mga pag-aaral na kung gaano katanda at kayaman ang sibilisasyon ng mga Tsino ay ganoon din katanda at kayaman ang kanilang panitikan.
Mayaman ang Tsina sa iba’t ibang klase ng panitikan, maging ito man ay tuluyan o patula. Nagsimulang umusbong ang panitikan ng mga Tsino noong panahon ng Dinastiyang Zhou (770-221 B.C.) at patuloy pa ring yumayabong sa kasalukuyang panahon. Sino ba naman ang hindi nakakikilala kay Confucius, isa sa mga iginagalang na manunulat at pundasyon ng panitikang Tsino. Sa kanya nagmula, o siya ang nagsilbing inspirasyon sa paggawa ng mga Classics, isa sa mga tanyag na akda na nagmula sa bansang ito.
Patuloy ang pag-unlad ng panitikan ng mga Tsino sa paglipas ng panahon. Kabila-kabila ang mga nagsusulputang manunulat na galing sa Tsina na siyang nagbibigay ng bagong dugo at bagong mukha sa panitikan ng bansa. Saksi sa pag-usbong ng panitikang Tsino ang iba’t ibang dinastiyang naghari sa Tsina noon. Minsan, lantarang pinipigilan ang pagkamalikhain ng mga Tsino dahil na rin sa takot ng ilan na mawawala at tuluyang makalimutan ang mayamang kasaysayan ng bansa.
Isa si Lu Xun (na may tunay na pangalang Zhou Shuren) sa mga manunulat na walang takot na nagsulong ng makabagong tema at kaisipan sa panitikan ng mga Tsino. Isa siya sa mga kinilalang lider ng The League of Left-Wing Writers noong taong 1930 na siyang nagsulong na kaisipang socialist realm sa panitikan ng bansa.
Sa kasalukuyan, kinikilala si Lu Xun na ama ng modernong panitikang Tsino. Ang kanyang kuwentong A Madman’s Diary ay isa sa mga patunay kung gaano siya kagaling sumulat gamit ang makabagong pamamaraan ng pagsulat. Bukod dito, nakapagsulat na rin siya ng iba’t ibang tula, sanaysay, kritisismong pampanitikan na kalimitang mababasa sa mga pahayagan na kapag pinagsama-sama ay siya namang bumubuo sa kanyang mga libro.
ANG BUHAY AT PANITIKAN NG INDIA
Sa unang tingin, masasabi nating isa sa pinakamahirap na bansa sa Asya ang India. Malaking bahagi kasi ng kanilang bansa ay balot sa kahirapan at kitang-kita ito sa uri ng kapaligirang mayroon sila. Isa rin sa mga problema ng bansang ito ang mabilis na paglobo ng kanilang populasyon. Ngunit kung susuriing mabuti, unti-unting nakikilala ang bansang ito dahil na rin sa taglay na katangian ng mga mamamayang naninirahan dito.
Kilala ang mga Indian sa galing nila sa teknolohiya. Sa katunayan, nangunguna ang mga Indian at mga Pilipino sa mga kakikitaan ng galing sa larangan ng information technology sa kasalukuyan. Pumapangalawa lang ang Pilipinas sa bansang India kung laki at dami ng call centers ang pag-uusapan.
Nagkakamarka na rin ang India sa larangan ng showbiz. Kinikilala sa iba’t ibang bansa ang mga pelikulang galing sa India; sa bansang ito nanggaling at nauso ang salitang ‘Bollywood.’ Malaki ang sakop at impluwensiya ng musika na galing sa kanilang bansa at matagal ng humanga at naging saksi ang buong mundo sa ganda at talino ng mga kababaihan na ipinapadala ng kanilang bansa sa iba’t ibang timpalak- kagandahan.
Hindi ito nakapagtataka sapagkat noon pa man, kilala na ang India sa pagkakaroon ng mayamang kultura. Ang bansang ito ang isa sa may pinakamaagang sibilisasyon sa buong mundo. Sa bansang ito rin umusbong at nakilala ang dalawa sa pinakamalaking relihiyon sa Timog Asya, ang Hinduismo at Buddhismo. Sa usapin naman ng panitikan sa bansang ito nagmula ang dalawang epikong Sanskrit, ang “Mahabharata” at “Ramayana.” Makulay ang kasaysayan ng bansang India kaya marami ang paghuhugutan ng mga Indian ng talento at inspirasyon.
Isa sa pundasyon ng panitikang Indian ang bantog na manunulat na si Rabindranath Tagore. Malaking bilang ng kaniyang mga isinulat ang tula ngunit mayroon din namang mga nasusulat sa anyong tuluyan. Kalimitang tungkol sa patriyotismo ang tema ng mga akdang kanyang isinulat. Dalawa sa mga kantang ginawa niya ang ginamit na pambansang awit ng dalawang bansa, ang “jana gana mana” ng India at “aamaar sonar baanglai” ng Bangladesh.
ANG KULTURA AT PANITIKANG HAPON
Malapit sa puso ng mga Pilipino ang bansang Hapon. Kahit hindi naging maganda ang nakaraan sa pagitan ng dalawang bansa, nanatiling malapit ang dalawang bansa sa isa’t isa hanggang sa kasalukuyan. Patuloy na tinatangkilik ng mga Pilipino ang ilang produktong Hapon (o may kinalaman dito) tulad ng mga Anime, ang fast food na Tokyo Tokyo, ang pagkaing sushi, ang larong Game Boy Advance, at mga palabas na may kinalaman sa kultura ng bansa. Sa kabilang banda, walang sawang tinutulungan ng bansang Hapon ang ating bansa sa patuloy nitong pakikipaglaban sa kahirapan.
Isa sa pinakamaunlad na bayan sa Asya ang bansang Hapon. Isa rin ito sa pinakakilalang bansa sa Asya. Nangunguna ang bansang ito sa larangan ng teknolohiya at hindi pahuhuli kung pagpapauso ang pag-uusapan, lalung-lalo na sa mga makabagong kagamitan. Hindi nakapagtataka kung bakit mayaman ang bansang ito sapagkat hindi matatawaran ang pagiging malikhain ng mga Hapon.
Kitang-kita rin ang kagalingan ng mga Hapon sa sining at ang kanilang pagkamalikhain sa pamamagitan ng kanilang panitikan. Noon pa man, ang panitikan ng mga Hapon ang isa sa pinakaginagalang na panitikan sa buong Asya. Ito ay kalimitang nasa anyo ng tula, dula ta kuwento. Malaki rin ang impluwensiya ng relihiyong Shintoismo sa kanilang panitikan.
Ilan sa mga tanyag na halimbawa ng panitikan ng mga Hapon ay ang Man’yoshu (The Collection of Ten Thousand Leaves) at ang sikat na nobela ni Murasaki Shikibu na Tale of Genji.
Nagmula rin sa bansang hapon ang tanyag na Dulang Noh. Isa itong uri ng dulang pantanghalan na hinahaluan ng Sarukagi (Shinto rituals) at Dengaku (acrobatics with juggling). Ang mag-amang sina Kanami at Zeani ang sinsabing nagpasikat ng dulang ito.
Iba ang dulang ito sa pangkaraniwang dula sapagkat kalimitan itong ginagamitan ng pamaypay at maskara habang itinatanghal. Kapansin-pansin din ang kakaibang ayos ng entablado sa dulang ito na may tatlong pasukan at labasan. Kalimitan ding makikita ang larawan ng puno ng pino sa entablado. Ang musika naman ng dulang ito ay nagmumula sa mga musikerong tumutugtog sa loob mismo ng entablado, gamit lamang ay plawta at tambol.
Sa kabuuan, ang Dulang Noh ay maituturing na hindi gaanong ‘madramang’ dula. Ang kagandahan nito ay makikita sa kakaunti at pinong galaw ng mga nagtatanghal at sa musika at sayaw na naghahari sa entablado kapag ito’y itinatanghal.
ANG INDONESIA AT ANG PILIPINAS
Ang Indonesia ang pinakamalaking kapuluan sa mundo. Ito ang pinakamalaking Islamikong bansa sa buong daigdig at ito rin ang isa sa pinakamataong bansa sa buong mundo. Kung kasaysayan naman ang paksa, ang Indonesia ang isa sa mga sinaunang sentro ng sibilisasyon. Ang bansang ito rin ang isa sa bansang pinakabiniyayaan ng likas na yaman sa buong mundo, mula sa kape hanggang sa gas at langis. Ang Indonesia rin ang isa sa may pinakamakulay na kasaysayan.
Sa kabila ng mga “pinaka-“ na ito, hindi pa rin makaungos nang todo ang bansang Indonesia. Kung ikukumpara sa Thailand o Malaysia, masasabi nating nakauungos ito noon kung kasiglahan ng ekonomiya ang pagbabatayan. Ngunit dahil sa hindi matapus-tapos na akusasyon ng katiwalian sa pamahalaan, at ang hindi bahagi ng kapuluan nito tulad ng nangyayari sa Pilipinas, bumagal ang pag-unlad ng bansang Indonesia. Sa kasalukuyan, mahahanay ang bansang ito sa may pinakamabagal na pag-unlad sa kabuuan ng Asya.
Malaki ang pagkakatulad ng bansang Indonesia sa bansang Pilipinas. Mas malaki man ang bansang Indonesia sa Pilipinas. Halos pareho naman ang kasaysayang pinagdaanan ng dalawang bansa. Kung matagal na napasailalim ang Pilipinas sa mga Kastila, Hapon, o Amerikano, matagal ding nagdusa ang mga taga-Indonesia sa pamumuno ng mga Olandes. Pinamumunuan din ang bansang Indonesia ng iisang Pangulo sa loob ng mahabang taon. Tulad ng Pilipinas, hanggang ngayon ay nakikipaglaban pa rin ang bansang Indonesia sa banta ng terorismo, katiwalian sa pamahalaan, digmaan dahil sa relihiyon at paniniwala, lumalaking bilang ng populasyon at laganap na kahirapan.
Malaki ang potensyal ng bansang Indonesia na umunlad dahil sa likas na yaman nitong taglay. Hindi tulad ng mga kapitbahay nito sa Timog-Silangang Asya, ang Indonesia ay may malaking deposito ng langis na maaari nitong pagkakitaan. Ngunit bago maging ganap ang pag-unlad ng bansang ito, kailangan munang ayusin ang mga bagay na nagiging sanhi ng problema sa loob ng pamahalaan.
ANG PAGBANGON NG VIETNAM
Isa sa mga pinakamasalimuot na kasaysayan sa buong Timog-Silangang Asya ang bansang Vietnam. Saksi ang bansang ito sa iba’t ibang digmaan, na ang pinakatanyag ay ang Vietnam War. Malaking bilang mga taga-Vietnam ang lumikas sa iba’t ibang bansa tulad ng Pilipinas sakay ng Bangka, hindi alintana kung anong klaseng buhay ang naghihintay sa kanila sa banyagang lupain. Sa loob ng mahabang panahon, nabalot ng kahirapan ang buong bansa dahil na rin sa hindi matapus-tapos na digmaan.
Sa panahon ng digmaan, lumabas ang tunay na katangian at pagkakakilanlan ng Vietnam. Dama ng mga bansa sa Kanluran tulad ng United States at France ang katapangan ng mga taga-Vietnam nang pabagsakin nila ang puwersang Amerikano sa kanilang sariling lupain. Hindi inaasahan ng lahat ang nangyari, napilitang lisanin ng mga sundalong Amerikano ang lupain ng Vietnam.
Ipinakita rin ng Vietnam ang katatagan ng loob ng mga Asyano. Sa kabila ng mahabang panahon ng digmaan, unti-unting bumangon ang Vietnam at muling nanumbalik ang siglang matagal nang nawala sa bansa. Tulad ng Pilipinas sa dumaan din sa mahabang panahon ng pananakop, muling nabuhay ang ekonomiya ng Vietnam.
Sa kasalukuyan, kilala ang bansang Vietnam bilang isa sa mga umuunlad na bansa sa Asya. Nababago na rin ang pangit na pagkakakilanlan ng bansa dahil sa tagumpay ng mga Vietnaese sa iba’t ibang larangan. Sa SEA Games na ginanap sa Pilipinas noong 2005, pumangalawa ang Vietnam sa Pilipinas sa pinakamaraming gintong medalyang nakamit. Kahanga-hanga ito sapagkat matagal nangulelat ang bansang ito sa larangan ng isports sa buong Timog-Silangang Asya.
Kasabay ng pagbangon ng bansang Vietnam, unti-unti ring sumigla ang panitikan ng mga taga-Vietnam. Ang mga talentong pansining na matagal ding hindi nasilayan dahil sa giyera ay unti-unti na namang nararamdaman sa buong bansa. Kung pangitain ang kasiglahan ng panitikan sa kinabukasan ng isang bansa, masasabi nating sigurado na ang pag-unlad ng bansang Vietnam.
SI AUNG SAN SUU KYI NG BURMA
Nitong mga huling taon, naging laman ng pahayagan ang pangalang ito. Nahati rin ang ASEAN dahil sa usaping may kinalaman sa kanya. Si Aung San Suu Kyi ay ang Nobel Peace Laureate na galing sa bansang Burma na kasalukuyang isinailalim sa house arrest. Siya ang nakibakang maibalik ang demokrasya sa kanyang mga isinulong, marami siyang taong nakabangga. Isa na rito ang makapangyarihang militar ng Burma.
Isa lamang si Aung San Suu Kyi sa mga personalidad na nagbibigay-kulay sa bansang Burma. Nakakalungkot lang, marami sa ating mga Pilipino ang walang alam tungkol sa kanyang bayan. Masuwerte na nga kung may mga Pilipinong nakakikilala sa kanya.
Ang Burma ay kabilang sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya. Napalilibutan ito ng bansang Laos, China, Thailand at Bangladesh. Malaking bahagi ng bansa ay pinamumunuan pa rin ng militar at marami ang nagsasabing ito ang dahilan kung bakit hindi maging ganap ang kalayaan ng bansa. Dahil dito, patuloy na inuulan ang bansang ito ng mga batikos mula sa iba’t ibang bansa.
Isa sa mga pagkakakilanlan ng bansang ito ang magagandang pagodang nagkalat sa bansa. Ang mga ito ay impluwensiya ng dominanteng relihiyon ng mga taga-Burma, ang Buddhismo. Tulad ng Thailand, pinamumunuan din ng mga hari ang ilang lugar sa Burma.
Kilala ang bansang Burma bilang Myanmar sa kasalukuyan. Pinalitan ito ng mga miyembro ng militar na namumuno sa bansa noong 1989. Tulad ng dapat asahan, maraming hindi sumang-ayon sa pagbabagong ito sa loob at maging sa labas ng bansa. Sa katunayan, ilan sa malalaking kumpanya na tagapaghatid ng balita tulad ng BBC ang gumagamit pa rin ng Burma dahil hindi sila naniniwala sa pagbabagong isinusulong ng junta ng mga militar sa bansang ito.
ANG SULTANEYT NG BRUNEI DARUSSALAM
Isang nagsasariling sultaneyt ang Brunei na nasa pagitan ng estadong Sabah at Sagrawak ng Malaysia. Hindi ito sumali sa Federasyon ng Malaysia; sa halip, pinili nito ang maghintay ng sariling kasarinlan, na ipinagkaloob ng Britain noong 1984. Samakatwid, ang Brunei ang pinakabatang bansa sa Timog-Silangang Asya.
May sukat na 5,270 kilometro kuwadrado ang Brunei, 75% ay nagugubatan. Malaki lamang nang kaunti sa Cebu (5088 km2) at maliit nang kaunti sa Pangasinan (5,369 km2), kumikita ang Brunei ng kamangha-manghang $6.8 bilyon taun-taon mula sa kanyang mga saganang deposito ng langis, sapat upang gawin ang bansang ito na pinakamayaman sa Timog-Silangang Asya. Ang Bandar Seri Begawan ang kabisera ng Brunei.
Sa 76 milyon na populasyon ng Brunei, 67% rito ang Malay. Nagtatrabaho ang karamihan para sa pamahalaan o sa kompanya ng langis. Sa $23,600 per capita income ($5,000 para sa mga Pilipino) ng mga taga Brunei, nagtatamasa sila ng isa sa pinakamataas na pamantayan ng pamumuhay sa buong daigdig. Walang buwis sa kanilang kinikita. Naglaan ang estado ng libreng pagkalingang medikal at dental, libreng pag-aaral hanggang sa antas pang-unibersidad, at libre o may-tulong-pinansiyal na pabahay. Libu-libong Pilipino ang nagtatrabaho sa mga industriyang konstruksyon at panserbisyo.
Si Sir Hassanal Bolkiah ang kasalukuyang sultan at punong minister ng Brunei. Ang naghaharing pamilya niya ang may hawak ng politikal at ekonomikong kapangyarihan sa bansa. Itinayo ang maharlikang palasyo ng sultan (Istana Nurul Iman) noong 1983 sa halagang $300 milyon. Ang Pilipinong arkitekto na si Leonardo Locsin ang nagdisenyo nito.
Noong ikalabinlima hanggang ikalabimpitong siglo, naging pangunahing kaharian ng Brunei na sakop ang pulo ng Borneo at katimugang Pilipinas. Subalit noong ikalabing-anim na siglo, nanggulo ang mga mananakop na Europeo sa sultan ng Brunei. Unti-unti, ang kanyang imperyo ay nahati-hati.
ANG MODERNONG KATHANG TSINO
Mula noong Literary Revolution ng 1917, ang mga akdang pasalaysay na ang naging pinakapopular na uri ng panitikang Tsino.
Sa mga taong 1917 hanggang 1937, halos lahat ng may pagkiling sa panitikan ang sumubok sa pagsulat ng mga kuwento. Nagbunga ito ng mga paglaganap na ito ng mga manunulat at mambabasa ay nakaimpluwensiya nang husto sa mamamayang Tsino. Nagmula rin sa panahong ito ang piankamagagaling na manunulat ng Tsina, tulad ni Lu Xun, Mao Tun, Pa Chin, Lao She, Ping Hsin, Shen Ts’ung-wen, at iba pang batang manunulat. Kapag pinagsamang lahat ang kanilang mga likha, bagaman naiiba sa estilo at pamamaraan, ay sumasalamin sa kanilang nagkakaisang pakikibaka sa panahon ng panlipunan at pampulitikang kaguluhan, nagtutunggaliang pagpapahalagang etikal, at sa mga hinaing ng isang nakababatang henerasyon sa gitna ng mabilis na nagbabagong lipunan.
Si Lao She ay nobelista, kuwentista, makata, at mandudula. Nagmula siya sa angkang Manchu at ipinanganak sa Beijing. Nag-aral siya sa unibersidad bago tumungong London School of Oriental Studies, at pagbutihin ang kanyang Ingles. Nasulat niya ang mga comic novel na pinamagatang “The Philosophy of Lao Chang” at Chao Tze-yueh. Ipinakikita ng dalawang nobelang ito ang namumukod-tanging satirical humor na mababanaag din sa iba pa niyang mga katha. Habang siya’y nasa London, sinulat niya ang Erh Ma (The Two Mas), isang nobela ukol sa buhay ng isang pamayanang Tsino sa London na batay sa kanyang mga karanasan.
Marahil ang pinakasikat niyang nobela ay ang naisalin sa Ingles bilang “Rickshaw Boy.” Ito’y trahedya ng isang tagahila ng rickshaw sa Beijing noong 1920.
Tulad ng ibang mga intelektuwal sa Tsina, nakaranas siya ng pagmamaltrato noong Cultural Revolution ng dekada 60. Kinitil niya ang kanyang sariling buhay noong 1966 ngunit may mga nagsasabing namatay raw siya sa matinding pambubugbog ng mga Red Guards.
ANG MGA GEISHA NG BANSANG HAPON
Kahanay ng mga Mt. Fuji, ng samurai at ng sushi, ang geisha ay isa sa mga itinuturing na simbolo ng bansang Hapon magmula nang muli nitong ibukas ang bansa sa pandaigdig na kalakalan noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo. Sa pagkawala ng mga samurai, at pagdagsa ng impluwensiyang Kanluranin sa bansang Hapon, tanging ang geisha at ang kanilang mundo ang nananatiling hiwaga hindi lamang sa mga dayuhan kundi maging sa mga Hapones.
Ang geisha sa kanyang mapusyaw ng puting mukha, maiitim na mata, kulay-dugong maliliit na labi, nakapusod na buhok at matingkad na kimono ay nagpapahiwatig ng hiwaga at kagandahan. Bagaman kakaunti na lamang ang mga tunay na geisha, makikita pa rin ang kanilang larawan sa mga pelikula, sa telebisyon, at sa mga bahay-aliwan kung saan ginaya ang kanilang kasuotan at pagkilos.
Ang literal na kahulugan ng salitang “geisha” sa wikang Hapon ay “artist” – isang alagad ng sining. Ang mga geisha (o Geiko sa wikang Kyoto) ay mga propesyonal na babaeng tagapagbigay ng aliw na nagtatanghal ng mga tradisyonal na sining ng Hapon sa mga bangkete at sa mga O-chaya o inuman ng tsaa (teahouse). Sinasanay sila sa mga tradisyonal na sining tulad ng pagsasayaw, pagkanta, pagtugtog ng mga instrumento tulad ng samisen, pag-aayos ng bulaklak o ikebana, pagsusuot ng kimono, seremonya ng tsaa, kaligrapiya, pakikipag-usap, wastong pagsisilbi ng alak (hindi ng pagkain) at higit pa.
Upang maging isang geisha, kinakailangang anak ka ng isang geisha o matanggap ka sa isang O-chaya. Karaniwang ibinebenta ng isang kamag-anak sa isang O-chaya ang magagandang batang babaeng naulila sa magulang o nagmula sa naghihikahos na pamilya. Mamumuhunan naman ng malaking halaga ang O-chaya upang sanayin ang mga batang ito at bihisan sila ng kimono. Tinuturuan ng okamisan (“mother” ng O-chaya) ang mga babae. Kapag narating nila ang susunod na antas pagdating nila ng gulang na 15 hanggang 19, nagiging mga maiko ang mga batang babae. Sumasama ang maiko sa mga geisha upang higit na makasanayan ang kanilang trabaho. Sa gulang na 20, kailangang magpasya ang maiko kung magiging geisha siya. Kung nais niyang magpakasal, hindi siya maaaring maging geisha.
Tanging mga dati nang parokyano sa mga O-chaya ang tatangkilikin ng mga tagapamahala nito (okasan). Hindi maaaring pumasok sa mga O-chaya nang di ipinakikilala. May iba’t ibang uri ng ugnayan ang mga geisha sa lalaki. Hindi sila mga kalapating mababa ang lipad. Hindi mali para sa mga geisha ang pagkakaroon ng isang tagatangkilik (danna), na kaugnayan niya sa larangang emosyonal, pinansyal, at sekswal. Gayunman, nasa geisha na ito kung gusto niyang magkaroon ng danna o hindi.
Noong 1920, may humigit-kumulang 20,000 geisha, ngayon mga 1,000 na lang sila. Dahil sa kanilang de-kahong pamumuhay at mabigat na pagtuon sa tradisyonal na sining, at dahil na rin sa impluwensiya ng Kanluran sa kulturang Hapon, kakaunti na lamang ang nakaaabot sa istandard ng propesyonal na geisha. Gayunpaman, ginagampanan nila ang isang mahalagang papel sa pagpapalaganap ng kultura at kasaysayang Hapon.
ANG KOREA AT ANG PILIPINAS
Kung pagbabatayan natin ang bilang ng mga Pilipinong kasalukuyang nahuhumaling sa mga palabas pantelebisyong gawa sa Korea, masasabi nating napukaw ng mga Koreano ang damdamin at atensyon ng masang Pilipino. Sa kasalukuyan, hindi lang isang Koreanovela ang ipinalabas sa telebisyon. Karamihan sa mga dramang ito ay ipinalalabas sa gabi ngunit mayroon din namang sa araw ipinalalabas. Kung dati-rati’y si Thalia ang bukambibig ng taong-bayan, ngayon ay pawang mga Koreanong artista na ang laman ng kanilang kuwentuhan araw-araw.
Ngunit ano ba ang dahilan kung bakit malapit sa puso ng mga Pilipino ang mga palabas galing Korea?
Kung titingnan natin ang panitikan ng bansang Korea, masasabi nating may pagkakatulad ito sa panitikan ng mga Pilipino kung tema ang pag-uusapan. Tulad ng mga Koreano sa mga usaping may kinalaman o tungkol sa pag-ibig. Karamihan ng kanilang panitikan ay may ganitong temang dala-dala at mababakas ito sa mga palabas na kasalukuyan nating pinanonood.
Isa ang bansang Korea sa mga mayamang bansa sa Asya. Maraming kompanya na kilala sa buong mundo ang nanggaling sa bansang ito. Tulad ng mga Hapones, malikhain at masipag ang mga Koreano. Sinisiguro nila ang na lahat ng kanilang ginagawa ay tunay na maipagmamalaki at de-kalidad.
Isa rin ito marahil sa mga dahilan kung bakit kinagigiliwan ng mga Pilipino ang mga palabas na gawa sa Korea. Maliban kasi sa nasungkit nito ang temang gustong-gusto ng mga Pilipino, kitang-kita rin na pinagkagastusan nang husto ang mga palabas na kanilang ginagawa.
Kung mahal ng mga Pilipino ang mga palabas na gawang Korea, mahal naman ng mga Koreano ang Pilipinas dahil sa taglay nitong likas na kagandahan. Humahanga rin ang mga Koreano sa kagalingan ng mga Pilipinong magsalita ng Ingles. Dahil dito, parami nang parami ang mga turistang Koreanong bumibisita sa bansa upang magbakasyon o kaya’y mag-aral.
ANG BUDDHISMO SA THAILAND
Isang pinag-isang Kahariang Thai ang itinatag noong kalagitnaan ng ika-14 na siglo. Kilala bilang Siam hanggang 1939, ang Thailand ang tanging bansa mula sa Timog-Silangang Asya ang hindi nasakop ng mga mananakop na Europeo.
Sa pangkalahatan, agrikutural ang bansa ngunit may mga industriya sa malalaking siyudad. Nobenta’y singko porsyento ng populasyon ay Buddhista, at mga kaisipang Buddhista ang pinag-ugatan ng kultura at mga kaugalian.
Lubhang mahalaga ang papel ng Buddhismo sa buhay ng tao. Sa pagsilang ng isang bata, itinakda na ang kanyang relihiyon. Lumalaki siya sa piling ng mga monghe at templo, kantahan at mga ritwal. Karaniwan ang pag-oordina sa batang lalaki sa pagkanobisyado, lalo na sa oras ng pagkamatay ng isang nakatatandang kamag-anak, magulang o nuno. Sa nobisyado, nabibigyan ng pagkakataon ang isang batang lalaki na makatuntong sa mas mataas na pag-aaral. Kadalasan, nanatiling nobisyado ang isang batang lalaki hanggang sa magbinata siya, at sa gulang sa dalawampu, hindi malayong piliin niya ang pagmomonghe. Karaniwang idinaraos ang pagmomonghe sa panahon ng Phansah (Rains Retreat), kung kailan nagreretiro ang mga monghe para sa tag-ulan.
Higit na nagiging mabuting mamamayan ang pamumuhay-monghe. Ang tapat na tagasunod ni Buddha ay kusang-loob na nabubuhay ayon sa limang aral nito - mga aral na papatnubay sa kanya sa proseso ng pagsilang at muling pagsilang, at mailigtas sa kanya sa mga paghihirap. Walang gantimpala o parusa, langit o impiyerno para sa mga sumusunod o susuway sa mga aral, pero malinaw na ang mga ginagawa nila’y magreresulta lang ng dapat mangyari, bukas-makalawa. Ito ang tinatawag na karma. Ang karma ng tao ang nagtatakda ng magiging kondisyon ng pang-araw-araw na buhay niya, at anumang karma ang matira sa oras ng kamatayan ay dadalhin sa susunod na buhay at magsisilbing kondisyon sa muling pagkabuhay.
Sa edad beynte-uno, obligadong magpatala sa army ang isang lalaki ngunit sa paraang palabunutan. Kung mabunot ng binata ang pulang pitsa mula sa kahon, magseserbisyo siya sa loob ng dalawang taon; kung itim, nakalibre siya. Ang serbisyo, na kadalasang nagaganap pagkaraan ng pagmomonghe, ay nagpapalubos sa pagkalalaki ng isang binata, at naghahanda sa kanya sa pag-aasawa.
ANG PANITIKANG CAMBODIAN
Ang sentro ng Panitikang Cambodia ay ang mga mito at alamat na naipasa sa pamamagitan ng salindila. Karamihan nito ay mga kuwento ukol sa mga naunang buhay ni Buddha at mga epiko mula sa India.
Nang maipakilala ng mga Pranses sa Cambodia ang limbagan noong mga 1930s, sumulpot na rin ang mga nobela. Nagsimula muna ang mga nobela sa anyo ng mga serye sa pahayagan hanggang sa tuluyang ginamit ang mga ito sa mga paaralan at nagawan pa ng bersyon ng mga ito sa pelikula. Noong simula ng dekada 70, limampung nobela isang taon ang nailathala sa Cambodia.
Sa panahon ng Khmer Rouge noong 1975-1979, nalimitihan ang mga panitikan sa mga tula ukol sa agrikultura, mga magsasaka, at mga rebolusyonaryong awit. Walang mga nobelang naisulat sa Cambodia. Ang ilang mahahalagang akda ay nasulat ng mga refugee sa Pransya at Thailand. Sinira rin ang mga kagimbal-gimbal na mga taong iyon ang sinaunang panitikan ng Cambodia.
May dalawa hanggang apat na milyong Cambodian ang namatay sa ilalim ng kalupitan ng rehimeng Khmer Rouge na pinamumunuan ni Pol Pot. Daan-daang libo ang tumakas sa Thailand at iba pang bansa. Sa pagsisikap na magtatag ng isang komunistang lipunang pantay-pantay, malupit na pinatay ng Khmer Rouge ang mga nasa panggitna at mataas na uri. Kabilang dito ang mga opisyal, negosyante, at edukadong propesyonal. Pilit na pinagtrabaho sa mga komyun (commune) sa lalawigan ng mga tagalungsod. Nahati ang mga pamilya. Ipinasara ang mga paaralan, monasteryo, bangko, tanggapan at aklatan. Kinumpiskang lahat ng mga pribadong pag-aari. Pinawi ng Khmer Rouge ang lahat ng makapagpapaalala sa nakaraan ng Cambodia kabilang na ang mga libro at panitikan at kung tutuusin, gayon na rin ang dalawang libong taon na kasaysayan ng Cambodia.
Matapos ang 1979, unti-unti nang muling binuhay ang panitikang Cambodia. Bagaman noong dekada 80, pawang mga propaganda lamang ito ng estado, may mga refugee na rin na nagsikap na muling ilimbag ang mga klasikong akdang pampanitikan tulad ng mga kuwentong bayan.
ANG DISIPLINA NG SINGAPORE
Pinatunayan ng Singapore na hindi batayan ang laki ng isang bansa upang masukat kung gaano sila kaunlad. Para sa kanila, maliit man ang kanilang bansa, ito ay nakapupuwing din.
Kakaiba sa maraming bagay ang bansang Singapore. Isa ito sa pinakamaliit na bansa sa buong mundo ngunit isa rin sa pinakamayaman. Kilala ito sa kalinisan at kaayusan. Isa rin ang bansang ito sa may pinakamababang bahagdan ng korupsyon sa buong mundo.
Ang dahilan kung bakit maunlad ang bansang Singapore ay hindi nakasalalay sa likas na yamang taglay ng kanilang bansa. Napakaliit nito at kung ikukumpara sa kung ano ang mayroon ang Pilipinas, wala pa ito sa kalingkingan. Ang kanilang pag-unlad ay bunsod ng disiplina ng kanilang mamamayan. Ano pang bansa ang alam mo maliban sa Singapore ang may batas na bawal kumain ng bubble gum dahil ayon sa mga namamahala rito, posible itong makadagdag sa dumi sa kapaligiran? At saang bayan ka makakikita na lahat ng mamamayan ay tumatalima sa ganitong uri ng batas?
Disiplina. Iyan ang isang bagay na kailangan pang hasain nating mga Pilipino upang umunlad ang ating bansa tulad ng kapitbahay nating Singapore. Naging armas nila ang kanilang disiplina upang makaahong muli bilang isang malayang bayan. Tulad ng Singapore. Inspirasyon ng marami ang mabilis na pag-unlad ng bayang ito, mula sa isang mahirap na bansa noon 1800s hanggang sa pagiging industriyalisadong bansa sa kasalukuyan.
Bakas na bakas ang disiplina sa iba’t ibang aspekto ng kultura ng Singapore. Kitang-kita rin ito sa ilang panitikan na nagmula sa kanilang munting bansa.
Maraming aral ang maaring natutuhan ng ibang bansa sa Singapore, lalung-lalo na sa larangan ng disiplina at pamamalakad sa pamahalaan. Isa ang bansang ito sa mga karapat-dapat tularang bansa sa buong Asya, at maging sa buong mundo.
ANG PANITIKAN NG MALAYSIA
Sinasabing nagsimula ang modernong panitikang Malay sa mga hikayat, isang akdang romantiko sa tuluyan. Isa sa mga pangunahing impluwensiya sa pag-unlad ng modernong kathang Malay ang mga panulat ni Abdullah bin Abdul Kadir Munshi (1797-1856). Sa kanyang paglalakbay sa arkipelagong Malay, itinala niya ang kanyang mga personal na obserbasyon at kritisismo ukol sa tradisyonal at kontemporaryong lipunang Malay. Ang pinagsamang indibidwalismo at realismo sa panulat ni Abdullah ay bago sa mundo ng panitikang Malay. Bago noon, tanging ukol sa mga makabalaghang prinsipe’t prinsesa sa mga makalangit na kaharian ang mga namayaning katha.
Noong mga 1920-1930, unang nalathala ang mga nobela’t maikling kuwento. Sa simula, walang layuning pamapanitikan ang mga ito, maliban sa layuning didaktibo o pagkintal ng mabubuting aral.
Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, umiral ang isang bagong pagmumulat pampanitikan. Mula sa Unibersidad ng Malaya, nabuo ang samahang Asas ’50 na nagpasigla sa klimang pampanitikan at nagbigay-daan sa diskurso at eksperimentasyong pampanitikan. Naging islogan ng Asas ’50 ang “Sining para sa Lipunan.” Bagaman patuloy na sumulat ang mga manunulat ukol sa mga suliranin ng lipunan, hindi nila tinalikuran ang pansining na aspekto ng pagsusulat.
Ang Kuala Lumpur ang naging sentro ng modernong panitikang Malay noong dekada 60. Hindi nalalayo sa ating Carlos Palanca Award for Literature, nagbigay-daan ang Dewan Bahasa Dan Pustaka sa panghihikayat na malimbag at mabigyan ng parangal ang mga katha ng batikang manunulat. Ilan sa mga makabagong manunulat na namumukod-tangi sina Shahnon Ahmad at si Anwar Ridhwan. Mababanaag sa mga nobela ni Ahmad ang kuwento ng buhay ng mga magsasaka mula sa isang nagkakaunawaang pananaw at sa paraan ng pagsasalaysay sa masidhi at makapangyarihan. Sa mga maikling katha ni Ridhwan, mabisa niyang nagamit ang pamamaraang eksperimental at makabago upang umayon sa karanasang Malay.
ANG UGAT AT PAG-USBONG NG NOBELANG TAGALOG
Sa kasaysayan ng Nobela sa Kanluran, may namamayaning pagtuturing sa anyong ito bilang isang uri ng reaksiyon sa seryosong himig ng mga tradisyonal na romanse, na pumapaksa sa iba’t ibang kabayanihan at kadakilaan. Ganito ang naging pagpapahalaga, halimbawa, sa mga obra maestrang itinuturing na ninuno ng Nobela: ang Don Quixote ni Miguel de Cervantes, ang Gargantua at Pantagruel ni Francois Rabelais, at ang Decameron ni Giovanni Boccaccio.
Sa kasaysayan naman ng Nobela sa Pilipinas, hindi iilan ang mga mananaysay-pampanitikan na nagsasabing mauugat ang pagkatha sa mga sinaunang epiko, at kalauna’y sa naging paglaganap ng iba’t ibang Pasyon noong Panahon ng pananakop ng mga Kastila. Binibigyang-diin sa ganitong pag-uugat ang pagtataglay ng tiyak na naratibo o salaysay ng epiko at pasyon na siya ring pangunahing nagtatahi sa kabuuan ng Nobela.
Magkakaroon ng suliranin ang ganitong uri ng pag-uugat sa kaso ng Nobelang Tagalog sapagkat wala silang naisalbang epiko sa kasaysayan, hindi tulad ng ibang katutubo sa Pilipinas gaya ng mga Ifugao (na may Hudhud at Alim) o ng mga Manobo (na may Ulahingan). Kaya naman, nagiging higit na makatwiran ang pagbabalik ng mga Tagalog sa mga tinaguriang Proto-Nobela na nakasulat na sa prosa. Sa hanay ng mga ito, unang nalathala noong 1708 ang Barlaan at Josaphat na isinalin ni Fray Antonio de Borja sa Tagalog mula sa orihinal na Griyego ni San Juan Pamasceno. Subalit higit na naging mahalaga ang Urbana at Feliza ni Modesto de Castro at Si Tandang Basio Macunat ni Padre Lucio Miguel y Bustamante, na kapwa nagtuon sa bisa ng edukasyon.
Kinikilala naman ang Nena at Neneng ni Valeriano Hernandez Peña bilang siyang unang naisaaklat na nobela na nalimbag noong 1904. Naging popular ito sa bayan dahil naging halos kapanabay nito ang umaangat na bilang ng mamamayang nagiging aral at marunong bumasa, bukod pa sa nauna nang sekularisasyon ng mga palimbagan.
Naging pangunahing bukal ng mga kabilang sa unang henerasyon ng nobelistang Tagalog ang kani-kanilang karanasan, lalo na ukol sa pagpapalit ng sistemang kolonyal mula sa pananakop ng mga Kastila hanggang sa mga Amerikano. Kaya naman, bagaman malaki ang bilang ng mga nobelang pumapaksa sa pag-ibig at ugnayang pampamilya, madalas na nakalunan ito sa mga tiyak na pangyayari sa kasaysayan, kaya’t nagiging historikal ang moda ng akda. Dito kinilala ang halaga ng nobelista bilang mananaysay din. At bilang mananaysay, nagbigay ng tuon ang mga nobelistang ito sa isang uri ng realismo na higit na sosyalista ang oryentasyon, at nakita bilang halimbawa ang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos na nalimbag noong 1906.
Gayunpaman, sa mga sumunod na dekada, higit na magtutuon sa partikular at indibidwal na karanasan ang mga akda. Mabibihisan ng higit na romantikong oryentasyon ang mga realistikong akda ng mga unang dekada ng ikadalawampung dantaon. Sa mga panahon ding ito, higit na napalaganap ang mga nobelang Tagalog sa mga pahayagan at lingguhang magasin, gaya ng Liwayway, na itinatag noong 1922 at mabibili’t mababasa pa rin hanggang sa kasalukuyan.
topic for the whole sem ito,,,hahahahahhha
TumugonBurahinWla na po bang iba?
TumugonBurahin