Biyernes, Nobyembre 18, 2011

Mga katangian ng Panitikang Pilipino


Mga katangian ng Panitikang Pilipino
Isang paglalantad ang panitikan ng mga katotohanang panlipunan at ng mga kathang-isip na guni-guni. Hinahaplos nito ang mga sensorya ng tao: ang pantanaw, pandinig, pang-amoy, panlasa, at pandama. Noong 2000, binigyang katangian ito ni Villafuerte bilang isang buhay ngunit payak na salitang dumadaloy sa katawan ng tao. May buhay ang panitikan sapagkat may sarili itong pintig at dugong mainit na dumadaloy sa mga arteryo at bena ng bawat nilalang at ng isang buong lipunan. Sa kasong ito, sa mga Pilipino at sa kanilang lipunang ginagalawan.
Kapag binasa ang panitikan, pinagmumulan ito ng madamdaming emosyon sa isang tao o pangkat ng mga tao, sapagkat sinulat ang mga ito ng kapwa tao.
Sa kasalukuyan, madali at magaang ang pamamaraan ng pagkalat at pagpapamudmod ng panitikan sa Pilipinas. Dahil ito sa makabagong mga kaunlaran sa larangan ng teknolohiya. Bukod sa mga nasusulat na salita sa mga aklat, radyo, at telebisyon, kumakalat din ang panitikan sa pamamagitan ng mga kagamitang elektronika, katulad ng grabador ng tinig at tunog (tape recorder), diskong kompakto (compact disk),plaka, mga tape ng VHS, at mga kompyuter. Dahil sa internet, naging maginhawa at madali ang pagkuha ng impormasyong pampanitikan. Isa nang instrumento ito para sa mga mambabasang Pilipinong may pagpapahalaga at pagmamalaki sa kanilang pinagmulan, kasaysayan, at kalinangan o kultura.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento